Inaresto ng mga pulis ang kanilang kabaro sa Valenzuela City matapos ireklamo ng panghahalay umano sa siyam na taong gulang na anak ng kaniyang kinakasama.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Police Corporal Reynold Aggabao Panao, 38-anyos, nakatalaga sa Dalandanan Police Sub-Station.

Nahaharap si Panao sa reklamong two counts of rape and child abuse.

“Bakit two counts? It happened at two several locations..'yung July tapos naulit nitong September,” ayon kay Valenzuela Chief of Police Salvador Destura.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsimula ang pang-aabuso wala pang isang buwan mula nang magsama ang suspek at ina ng biktima.

“Same suspect on several occasions particularly when her mother was not in their house. She was sexually assaulted,” ani Destura.

Tumanggi umano ang suspek na humarap para mahingan ng pahayag, ayon sa ulat.

Nasa pangangalaga naman ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ang biktima.

“We'll give all the necessary services na ibibigay ng lokal na pamahalaan para mapangalagaan ang victim, mapangalagaan ang pangangailangan ng pamilya nila,” sabi ni Mayor Rex Gatchalian. —FRJ, GMA News