Halos hindi makatayo ang isang babaeng traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos makaladkad ng pampasaherong bus sa EDSA nitong Miyerkules. 

Ayon sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali, nakabalagbag umano sa kalsada ang bus kaya sinaway ng enforcer na si Leslie Vergara ang driver.

Nang hindi umusad ang bus ay nilapitan ito ni Vergara para hingiin ang lisensiya ng driver. Dito na umano pinaandar ng driver na si Allan Reodique ang bus, dahilan para sumabit ang kaliwang paa ni Vergara at makaladkad siya.

"Sabi ko, kuya akin na po ‘yung license mo. Kanina pa kita pinapaalis. Tapos biglang may sinasabi po siya na hindi ko maintindihan kasi maingay po," saad ni Vergara.

"Bigla niya pong pinaandar. Hindi naman kabilisan kaso nakaladkad ako," dagdag pa niya.

Depensa naman ni Reodique, hindi niya napansin ang enforcer at nakahanda siyang sagutin ang gastusin nito sa pagpapaospital.

"Hindi ko na po siya napansin kasi may pasaherong bumababa, hindi ko naman inabante, gumugulong ‘yung sasakyan... Hindi ko naman po napansin na pinapaalis ako kasi nasa likod siya," aniya.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang driver dahil sa aksidente na nagdulot din ng pansamantalang mabigat na daloy ng trapiko sa north-bound lane ng EDSA. —Alzel Laguardia/KBK, GMA News