Arestado ang isang lalaking nagbanta umano sa dati niyang karelasyon na ipakakalat ang maseselan nitong litrato at video, ayon sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes.

Naaresto ang suspek na si Arnold Riano sa isang entrapment operation sa Quezon City na ikinasa ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division matapos magsumbong ang complainant.

Ayon sa complainant, pinagbantaan siya ng dating karelasyon na ikakalat ang maseselan niyang litrato at video kung hindi siya papayag sa gusto nitong mangyari.

Ayon sa NBI, dalawang buwang buntis ang biktima.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang akusasyon.

"Malinis po ang hangarin ko sa kaniya. Alam po niya 'yan. Nasira ang buhay ko dahil sa kaniya," ani Riano.

Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao, nahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamo ang suspek. —KBK, GMA News