Makapigil-hininga ang nahuli-cam na aktong pagliligtas sa isang batang babaeng nakalambitin sa isang escalator sa Shanghai, China.

Makikita sa video na inilabas sa Unang Balita nitong Miyerkules ang nakalambiting bata na sumisigaw habang papalapit sa pinakadulong ibabaw ng escalator.

Nakabitiw pa ang isa niyang kamay sa handrail pagdating niya sa pinakamataas na bahagi ng escalator bago lumapit ang isang lalaki.

Pahirapan ang pag-angat sa bata dahil dumagalaw ang handrail at may glass wall sa dulo na nakaharang.

Dali-dali namang lumapit ang isa pang lalaki para umalalay, at nailigtas ang bata.

Hindi pa malinaw kung paano nangyaring nakalambitin ang bata sa escalator at kung sino ang kanyang kasama. —GMA News