Kailangang maoperahan ang isang bata sa Barangay Manuyo Uno sa Las Piñas matapos aksidenteng matusok ng lapis ang mata, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.

Kuwento ng tiyuhin ng bata na si John Paul Albareda, kalong ng lola ang batang si Almira sa tapat ng kanilang bahay nang biglang tamaan ng lapis ang mata nito.

Galing daw ang lapis sa dalawang batang naglalaro sa tabi ng mag-lola.

Agad na dinala sa Philippine General Hospital ang bata kung saan sinabi ng doktor na eye transplant na lang ang pag-asa para maibalik ang paningin ni Almira.

Nananawagan ng tulong ang pamilya ng bata dahil wala raw silang sapat na pera para maipaopera ang mata nito. —KBK, GMA News