Isang pulis sa Florida, USA ang mabilis umaksyon para mailigtas ang isang babaeng na-trap sa sasakyang palubog na noon sa ilog. Ang pulis, kinilala sa kanyang agarang pagtulong at katapangan.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing walang sinayang na oras ang pulis na kinilalang si Officer Kwesi Johnson nang makita niyang nakalubog na ang sasakyan sa isang ilog sa Cape Coral.

Hindi na nagdalawang-isip si Johnson na tumalon sa tubig at lumusong para mag-rescue.

Mula sa body cam footage ng isa sa mga pulis, makikita ang isang babae sa loob ng sasakyan na panay ang hingi ng saklolo.

Kaunti na lang ang bahagi ng sasakyan na hindi pa nakalubog noon.

Ginawa ng pulis ang lahat para mabasag ang salamin. Mabilis na inilabas ang babae mula sa sasakyan at dinala sa gilid ng ilog.

Ilang segundo lang, tuluyan nang nilamon ng tubig ang sasakyan.

Ayon sa babae, mag-isa lang siyang nakasakay roon at nangyari ang insidente bandang 3 a.m.

Matapos ma-rescue ang babae, dinala siya sa pinakamalapit na ospital.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang detalye tungkol sa kalagayan ng babae ngayon at kung paano nahulog sa ilog ang sasakyan. — VBL, GMA Integrated News