Nahaharap sa reklamong murder at frustrated murder ang apat na menor de edad na sangkot sa pananaksak sa isang mall sa Quezon City, kung saan nasawi ang isa at dalawa ang sugatan.

Sa ulat ng “Unang Balita” nitong Biyernes, sinabing inilabas na ng Quezon City Police District ang video ng rambulan ng mga menor de edad, na nag-ugat umano sa pambu-bully.

Mapapanood sa video ang pagsusuntukan ng mga lalaki habang pinanonood sila ng grupo ng mga kabataan, na nangyari Martes ng gabi.

Ilang saglit pa, bigla na lamang nagtakbuhan ang ilan sa kanila, matapos na masaksak na pala ang isa sa rambol.

Napatay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kaniyang pinsan at menor de edad na kapatid.

Hawak na ng pulisya ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News