Arestado ang isang opisyal at ilang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation sa Taguig City.

Iniulat sa Unang Balita nitong Miyerkoles na ayon kay Southern Police District (SPD) director P/Brigadier General Kirby Kraft, nasabat mula sa mga suspect ang isang kilo ng hinihinalang shabu, buy-bust money , mga baril at isang digital weighing scale.

Kinilala ang nahuling official ng PDEA na si Enrique Lucero, ang hepe ng Southern District Office. Kabilang sa mga nahuli ang dalawang agents ng PDEA-SDO, ayon sa ulat.

Hindi pa nagbigay ng pahayag ang mga suspek, at hindi pa rin nagbigay ng detalye  si Kraft  dahil patuloy pa umano ang follow-up operation, dagdag ng ulat.

Ang isinagawang buy-bust sa Taguig ay joint operation ng pulisya at ng PDEA. —LBG, GMA Integrated News