Isang dating guwardiya ang nag-amok at nanutok pa raw ng baril sa Novaliches, Quezon City nitong Sabado. Ang suspek, wala raw maalala sa kaniyang nagawa dahil sa sobrang kalasingan.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News “24 Oras Weekend”, makikita sa isang video ang pag-aamok ng suspek na si Eric Arenas Horario sa isang eskinita sa Barangay Santa Monica.

Kitang-kita rin sa video ang pagtutok pa nito sa hawak niyang baril.

Dala ng takot, lumayo na ang kaniyang mga kapitbahay sa suspek.

“Sinong matapang diyan, naghahamon. Pero wala naman siyang tinutukoy,” saad ni Bienvenido Santor Jr., EX-O ng Barangay Sta. Monica.

Hindi na nakunan sa video pero nagpapaputok daw ng isang beses si Horario. Mabuti na lang at walang nasaktan sa insidente.

Agad na nagpasaklolo ang barangay sa pulisya, na rumesponde daw sa loob ng dalawang minuto.

“Kinausap po natin ng maayos na sumuko. Habang kinakausap po namin, sir lasing siya, na-distract siya. Hindi niya nakita na may umikot na palang pulis sa likod, dinamba siya,” ayon kay QC Police District 4 commander Police Lieutenant Jerry Castillo.

Pero pagdating sa kulungan, sinabi ni Horario na wala na raw siyang maalala sa insidente.

“Hindi ko po alam eh. Kasi natutulog ako tapos may dumating, tapos mga pulis,” aniya pa.

Pinapanood ng GMA Integrated News ang video sa suspek, pero muling sinabi nito na hindi niya maalala ang pangyayari.

“Kasi lasing na po ako, hindi ko po alam eh,” sambit pa niya.

Dagdag pa ng Horario, wala rin daw siyang maalala kung saan niya nakuha ang baril na nakumpiska sa kaniya.

“Kasi kanina may kainuman po ako, hindi ko po alam kung kaniya ‘yan o ano,” giit pa niya.

Pero sabi ni Castillo, “According sa barangay, mabait naman daw kapag hindi nakainom, kapag nakainom medyo humihiram ng tapang sa alak.”

Mahaharap ang suspek sa reklamong alarm and scandal at illegal possession of firearms. — Mel Matthew Doctor/DVM, GMA Integrated News