Sugatan ang isang 12-anyos na lalaki sa gitna ng habulan ng dalawang magka-away na grupo ng kabataan sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.

Nakunan CCTV ang habulan ng dalawang grupo sa Barangay 214 nitong Huwebes. Kalalabas lang daw ng eskuwela ng biktima nang madamay sa gulo.

Sa video, makikitang inabutan ng isang bata ang biktima at ilang beses niya itong tinamaan sa likod.

Makikita ring nakahawak sa balikat ang biktima nang tumigil siya sa pagtakbo. Isang saksi ang nagdala sa kaniya sa ospital.

Ayon sa tiyuhin ng biktima na isang kagawad, hindi kasama sa grupo ang kaniyang pamangkin. Aniya, napasabay lang sa pagtakbo ang biktima nang makita niyang may mga nagtatakbuhan.

Dahil sa tinamo niyang mga saksak ay kailangang operahan ang biktima.

"Medyo tinamaan po yata 'yung baga," sabi ng tiyuhin ng biktima.

Pinuntahan ng otoridad ang bahay ng nakasaksak pero hindi siya inabutan doon. —KBK, GMA Integrated News