Dalawang beses pinabagsak ng dating Pinoy Olympic bronze medalist na si Eumir Marcial ang katunggaling Argentinian boxer na si Ricardo Villalba sa kanilang laban sa Alamodome sa San Antonio, Texas nitong Linggo.

Tumagal lang ng dalawang round ang kanilang pagtutuos para ibulsa ni Maricial ang kaniyang ika-apat na panalo bilang professional figther.

Nagpakawala ng mga jabs ang 27-anyos na si Marcial sa unang round, at nang makakuha ng tiyempo, dumukot pailalim ng matinding kaliwa sa sikmura ni Villalba na dahilan para ito mapaluhod.

Nagawang makaligtas ng Argentinian sa naturang round pero hindi na sa ikalawang round matapos na tumama ang mga suntok ni Marcial sa kaniyang ulo at katawan para muli siyang bumagsak.

Nagpasya na ang referee na itigil ang laban pabor sa panalo para sa Pinoy figther.

Napaganda pa lalo ni Marcial ang professional boxing record na 4-0 na may 2 knockout, habang 20-8-1 na may 8 knockouts si Villalba.

 

 


—FRJ, GMA Integrated News