Patay ang isang mekaniko matapos magulungan ng jeep na kaniyang kinukumpuni sa Makati City, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.

Sugatan din ang dalawang iba pa dahil sa insidenteng naganap sa Zanzibar Street sa Barangay San Isidro.

Kinilala ang nasawing biktima na si Dennis Magaso.

Itinakbo pa si Magaso sa ospital dahil sa matinding pinsala sa katawan pero namatay din siya kalaunan.

"Simula dito sa lungs medyo talagang lumambot. Lahat nagdurugo kaya hindi nakayanan ng kuya ko. Doon siya nag-give up," ani Arlene Magaso, kapatid ng biktima.

Sugatan din sa insidente ang ina ni Magaso na nagtitinda malapit sa jeep at isa nilang kapitbahay.

Humihingi ng tulong-pinansiyal ang pamilya ni Magaso para pambayad sa ospital. —KBK, GMA Integrated News