Isang 63-anyos na lola na umaasa lang sa pensyon ng namayapang asawa ang nanalo ng mahigit P35 milyon sa Lotto 6/42.

Sa pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Martes, sinabing solong tinamaan ng lola na mula sa Davao Del Sur ang jackpot prize na P35,314,806.60 sa Lotto 6/42 draw noong Enero 17, 2023.

Sa nasabing draw, ang mga lumabas na numero ay 34-24-02-06-33-07. Pero tanging ang mga numerong 07 at 02 lang umano ang maituturing "alaga" ng lola na numero ng kaniyang kapanganakan.

Ang ibang numero na kaniyang pinili ay hula na lang umano.

Isang lector commentator sa simbahan ang bagong milyonarya na nagsabing ipinagdasal niya na manalo, ayon sa pahayag ng PCSO.

Kinuha na ni lola ang kaniyang premyo sa tanggapan ng ahensiya sa Mandaluyong City.

Samantala, wala namang tumama sa mga isinagawang lotto draw nitong Martes, Pebrero 14, 2023.

Sa Ultra Lotto 6/58, ang lumabas na mga numero ay 58-32-33-19-37-53 na may premyong P54,662,377.00.

Sa Superlotto 6/49 naman ay 42-23-07-37-39-45, at ang premyo ay P51,368,505.40.

Habang sa Lotto 6/42, ang mga numero ay 26-16-13-10-39-19 na may premyong P19,433,863.40.-- FRJ, GMA Integrated News