Nasolo ng isang mananaya mula sa Northern Samar ang mahigit P63 milyong jackpot prize sa Super Lotto 6/49 draw nitong Linggo, Pebrero 19, 2023. Samantala, kinubra naman ng dalawang bagong milyonaryo ang kani-kanilang napanalunan din sa lotto.

Ayon sa Facebook page ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing tinayaan ang tumamang tiket sa Lavezares, Northern Samar.

Ang lumabas na mga numero ay 47-46-35-25-15-04, at may kabuuang premyo na P63,152,025.

Samantala, inihayag din ng PCSO na kinubra na ng tumamang mananaya mula sa Iloilo City ang napanalunan niyang P49.5 milyon premyo sa  Ultra Lotto 6/58 draw noong Enero 20, 2023.

Kuwento umano ng 42-anyos na bagong milyonaryo, isang buwan pa lamang niyang inaalagaan ang lumabas na mga numero na 24-39-31-19-42-13.

“Kung para sa iyo, mapupunta sa’yo. Madalang ako tumaya sa lotto. Madalas, yung asawa ko naman yung tumataya. Pero hindi ko akalain na sa loob lamang ng isang buwan na pag-aalaga ko sa mga numerong yun tatama," saad umano ng mananaya.

Mula naman sa Pateros ang isa pang bagong milyonaryo na 72-anyos na tumama ng P25.4 milyon sa Lotto 6/42 draw noong Enero 31.

Sa paraan na lucky pick o makina ang pumili umano ng mga tinayaan niyang numero, at nanalo na 31-41-29-25-20-08.

Nagpapasalamat ang lotto winner sa biyayang nakamit sa pagtama sa lotto sa kabila ng kaniyang edad.

Gagamitin daw ng mananaya ang napalunan para ipagawa ang kanilang bahay at magtatayo ng negosyo.-FRJ, GMA Integrated News