Sugatan ang isang barker sa Quezon City matapos siyang barilin ng nakaalitan niyang taxi driver dahil daw sa P5, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang tumigil ang taxi sa isang bahagi ng JP Rizal Street at kinausap ng driver ang isang lalaking nakasuot ng asul na T-shirt.

Maya-maya pa, napatakbo ang lalaki papunta sa bangketa habang ang pasahero naman ng taxi ay biglang bumaba. Nang bumalik ang lalaking naka-asul, may dala na itong dustpan at akmang ihahampas sa taxi.

Sunod na nakita ang lalaking naka-asul na iika-ika na at nakahawak sa balikat. May tama na pala siya ng bala.

Isinugod sa ospital ang biktimang kinilalang si Apollo Vega, 58 anyos, habang tumakas naman ang suspek.

Naganap ang insidente pasado 5 p.m. nitong Lunes.

Ayon sa pulisya, nagkaroon ng pagtatalo si Vega at ang driver ng taxi na nauwi sa pamamaril. Hindi raw kasi binigyan ng P5 ng driver ang barker matapos may pasaherong sumakay sa taxi niya.

Tatlong putok ng baril ang narinig sa lugar. Isang menor de edad ang nadamay matapos daplisan ng bala sa kamay.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para matukoy ang pangalan ng driver ng taxi.  —KBK, GMA Integrated News