Nahuli-cam ang malapitang pamamaril sa isang senior citizen sa Malabon City. Ang salarin, unang nakita na palakad-lakad sa lugar habang nakatungkod na tila may inaabangan.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Raynold Zuniaga, 68-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera sa Borja St sa Barangay Baritan, nakita ang salarin na naka-jacket na hoodie na paika-ika kunwari na maglakad at may gamit pang tungkod na tila may inaabangan.

Hanggang sa makasalubong na ng suspek ang biktima. At nang sundan na ng suspek si Zuniaga, wala na siyang tungkod.

Malapitang pinagbabaril ng suspek sa likod ang biktima. Nang humandusay sa daan si Zuniaga, naglakad lang palayo ang salarin.

Ayon sa saksi, hindi residente sa barangay ang biktima at may binibisita lang.

Naniniwala naman ang mga awtoridad na hindi pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil hindi nito tinangay ang dalang pera ng biktima na may ilang dolyares pa.

Patuloy ang imbestigayon ng mga awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News