Sinampahan na ng kaso ang apat na magkaanak kaugnay sa karumal-dumal na pagpatay sa 28-anyos na model na si Abby Choi sa Hong Kong. Ang ilang bahagi ng katawan ng biktima, 'di pa rin nakikita.

Sa ulat ng Reuters, sinabi ng pulisya na kinasuhan sa pagpatay kay Choi ang dati nitong asawa na si Alex Kwong, ang isa niyang kapatid na lalaki, at ang kanilang ama.

Kinasuhan naman ng one count of obstructing the case ang isang 63-anyos na babae.

Martes umano nang biglang nawala si Choi na isang local influencer at naging digital cover kamakailan ng L'Officiel Monaco fashion magazine.

Hanggang sa madiskubre ng mga awtoridad sa isang three-storey house sa Tai Po district noong nakaraang linggo ang ilang bahagi ng katawan ng biktima.

Nakita rin sa lugar ang isang meat slicer at electric saw, ayon sa pahayag ng pulisya.

Patuloy pang pinaghahanap ang ilang bahagi ng katawan ni Choi. —Reuters/FRJ, GMA Integrated News