Timbog ang walong tao na sangkot sa pagtutulak at pagbebenta umano ng ilegal na droga na tinutunaw at tinuturok sa mga kliyente sa isang hotel sa Cubao, Quezon City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakatanggap ng tip ang mga kapulisan na nakikipagtransaksiyon ang mga suspek sa pamamagitan ng isang dating app.

Kapag may kasunduan nang mag-check-in, doon na ibibigay ang droga sa loob ng hotel.

Dagdag ng pulisya, posibleng nagsasagawa ang grupo ng kanilang operasyon sa iba’t ibang hotel.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga hinuli, na nakuhanan ng P57,000 halaga ng droga. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News