Nilinaw ng Manila Police District (MPD) na hindi naging sundalo ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa isang barangay kagawad sa Malate.

Nauna umanong nagpakilala ang naarestong suspek na dating miyembro ng Philippine Army na nag-AWOL o absent without leave.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng MPD Station 5 na inaalam nila kung military reservist ang suspek.

Ayon sa pulisya, walang maipakitang ID ang suspek bagaman may ibinigay umano itong serial number.

Nakatakdang isilalim sa inquest proceedings ang suspek para sa kasong murder.

Sa ulat ng “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing napikon ang suspek sa biktima kaya binaril niya ito sa loob ng isang beer house.

Nagalit daw ang suspek nang ma-clamp ang kotse nito sa lugar kung saan siya itinuro umano ng biktima na mag-park.— FRJ, GMA Integrated News