Arestado ang tatlong lalaki matapos nila umanong mangholdap sa labas ng isang mall sa Quezon City.

Nakilala ang mga suspek na sina Kenneth Velarde, Gyn Carlo Atutubo at Eddie Advincula, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.

Ayon sa pulisya, dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa mga kasong robbery at ilegal na droga.

Nangyari ang insidente ng holdap sa Commonwealth Avenue sa Barangay Greater Fairview.

Nag-aabang noon ng masasakyan ang biktima sa labas ng isang mall nang lapitan siya ng mga suspek. Tinutukan siya at kinuha umano ang kanyang cellphone.

Sumakay ang tatlong suspek sa isang bus na naplakahan ng biktima.

Ipinagbigay-alam niya ito sa mga pulis at di nagtagal ay naaresto ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang cellphone ng biktima at isang patalim.

Tumangging magbigay ng pahayag si Velarde at Atutubo.

"Wala po kaming kinukuha, sir," ayon naman kay Advincula.

Mahaharap sa kasong robbery ang mga suspek. —KG, GMA Integrated News