Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki sa Quezon City matapos umanong halayin ang isang menor de edad na may kapansanan, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Naaresto ang 60-anyos na suspek matapos isilbi ng mga pulis ang arrest warrant laban sa kaniya sa kaniyang bahay sa Barangay Pasong Tamo.

Akusado ang suspek ng paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Ayon sa ulat, isang 17-anyos na person with disability (PWD) ang biktima, na kapitbahay ng suspek.

Kuwento ng mga magulang ng biktima, Agosto noong nakaraang taon nang may mapansin silang kakaiba sa ikinikilos ng kanilang anak, na may problema sa pandinig at pagsasalita.

"Nung nalaman namin na buntis ang anak ko, ito ay nagturo, 'yung anak namin, na sila ang gumawa ng ganiyang klaseng sitwasyon," sabi ng tatay ng biktima.

Setyembre noong 2022 nang maisampa ang kaso sa korte.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek nang kapanayamin ng media.

Isa pang suspek ang nauna nang naaresto ng mga pulis noong Enero sa bisa rin ng warrant of arrest sa kaparehong kaso. Aminado siya sa nagawang krimen. —KBK, GMA Integrated News