Naging mailap pa rin sa mga mananaya ang mahigit P124 milyong premyo sa Mega Lotto 6/45 na binola nitong Lunes ng gabi, Abril 24, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na walang mananaya ang nakakuha sa mga lumabas na numero sa Mega Lotto 6/45 na 11-45-16-13-42-02.

Umabot ang kabuuang premyo nito sa P124,970,728.40.

Samantala, 56 mananaya ang makakakuha ng tig-P32,000 para sa second prize na tumama ng limang numero. Mayroon ding 2,830 mananaya ang magbubulsa ng tig-P1,000 para sa third price na nakahula ng apat na numero.

Ginaganap ang bola para sa Mega Lotto 6/45 tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes sa ganap na 9 p.m.

Samantala, wala ring tumama sa kasabay nitong draw nitong Lunes para sa Grand Lotto 6/55 na may kabuuang premyo na P35,588,603.60.

Meron itong winning combination na  44-26-51-11-21-45.

May isang mag-uuwi ng P100,000 para sa second prize, at 275 mananaya ang nanalo ng P1,500 para sa third price. -- FRJ, GMA Integrated News