Arestado ang isang Saudi Arabian dahil sa umano'y paulit-ulit na panggagahasa sa kasambahay sa Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natunton ng mga pulis ang Saudi Arabian na dati nang may standing arrest warrant dahil sa kasong rape.

Nakorner ang suspek sa loob ng isang restaurant sa Ermita, Manila, ayon sa ulat.

Ayon sa mga pulis ng Sta. Ana, ilang beses umanong ginahasa ng suspek ang kanyang kasambahay noong nakararaang taon.

Pahayag ni Police Maj. Edwin Fuggan ng Sta. Ana Police Station, "Ang biktima ay na-hire bilang tagaluto, and then according to her, lagi siyang naglilinis ng inuupahang condo unit ng suspek. Tapos dumating umano itong suspek at nagawan siya ng hindi maganda, tatlong beses daw po."

Hindi umano nakapag-report kaagad ang biktima dahil pinagbantaan daw siya ng suspek. Setyembre ng nakaraang taon lumabas ang arrest warrant para sa suspek, na sa mga panahong iyon ay nakaalis na umano papung Saudi Arabia, ayon sa ulat.

Ayon kay P/Maj. Fuggan, natunugan nilang nakabalik na ng Maynila ang suspek noong April 27 nitong taon.

Naaresto ng mga pulis and Arabo sa isang operasyon sa Ermita.

Hindi na iniharap ng mga pulis sa media ang suspek. —LBG, GMA Integrated News