Nananatiling mailap ang buwenas sa mga tumataya sa Mega Lotto 6/45 matapos na wala pa ring tumama sa draw nitong Miyerkules ng gabi, Mayo 3, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na walang mananaya ang nakahula sa mga numerong lumabas na 27-40-17-04-15-33.

Ang jackpot prize sa naturang draw, umabot na sa P169,766,543.20.

Huling tinamaan ng isang mananaya ang Mega Lotto 6/45 noong Marso 6, 2023, na ang lumabas na mga numero ay 26-43-11-18-05-45, at nasa P12 milyon ang premyo.

Ginagawa ang pagbola o draw ng Mega Lotto 6/45 tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes sa ganap na 9 p.m.

Samantala, wala ring tumama sa kasabay nitong draw nitong Miyerkules na Grand Lotto 6/55 na ang mga lumabas na numero ay 19-46-03-34-04-28.

Umaabot na ang premyo nito sa halagang P50,962,526.40. -- FRJ, GMA Integrated News