Lalo pang lumaki ang jackpot prize sa Megalotto 6/45 matapos na wala pa ring nakahula sa mga numerong lumabas sa draw nitong Biyernes ng gabi, Mayo 5, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na walang mananaya ang nakatama sa lumabas na mga numerong 16-32-39-42-10-15.

Umabot na sa P182,616,914.80 ang jackpot prize nito.

Mayroon namang 35 mananaya ang nanalo ng 2nd prize na tig-P32,000.

Huling tinamaan ng isang mananaya ang Mega Lotto 6/45 noong Marso 6, 2023, na mahigit P12 milyon ang premyo.

Ginagawa ang pagbola o draw ng Megalotto 6/45 tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes sa ganap na 9 p.m.



Samantala, hindi rin tinamaan ang Ultra Lotto 6/58 draw nitong Biyernes, na umabot sa P99,901,922.00 ang premyo.

Ang kombinasyon ng mga numerong lumabas ay 38-04-14-22-29-55.

May walong mananaya ang nakahula ng lima sa anim na lumabas na numero na may premyong P120,000. --FRJ, GMA Integrated News