Buhay pa rin ang pag-asa ng mga nangangarap na maging multi-milyonaryo dahil hindi pa rin tinamaan ang jackpot prize sa Megalotto 6/45 nitong Lunes, Mayo 8, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na walang mananaya ang nakatama sa lumabas na mga numerong 04-44-25-40-26-42.

Ang premyo nito, umabot na sa P196,065,312.40.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad na mayroong 59 na mananaya ang nakakuha ng second prize na P32,000.00 ang premyo.

Ginagawa ang pagbola o draw ng Megalotto 6/45 tuwing Lunes, Miyerkoles at Biyernes sa ganap na 9 p.m.

Huling tinamaan ng isang mananaya ang Mega Lotto 6/45 noong Marso 6, 2023, na mahigit P12 milyon ang premyo.

Samantala, wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Grand Lotto 6/55, na ang lumabas na mga numero ay 43-14-01-15-33-45, at may premyong P29,700,000.00.

Sa FB page ng PCSO, nakasaad na may apat na mananaya ang nakahula ng lima sa anim na numero na may premyong P100,000.00.--FRJ, GMA Integrated News