Tinambakan ng Philippine men's basketball team ang koponan ng Malaysia sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa iskor sa 94-49 nitong Martes.

Sa unang quarter pa lang, nilimitahan na ng Gilas Pilipinas sa puntos ang Malaysian na hindi umabot ng 20. Sa third quarter, umabot pa sa hanggang 50 puntos ang lamang ng Pinoy cagers.

Nanguna sa Team Pilipinas sa puntos sina Brandon Ganuelas-Rosser (15 points), Justin Brownlee (11 points) at Arvin Tolentino (10 points).

Kumamada naman si Mike Philips ng 15 rebounds, at may siyam na puntos.

Sa tropa ng Malaysia, nanguna sa pagpuntos at tanging nakapagtala ng double digit score si Yi Hou Wong (15 points).

Sunod na kakaharapin ng Gilas para sa kanilang road to redemption campaign sa SEA Games ang Cambodia sa Huwebes.

Sa nakaraang SEA Games sa Vietnam noong nakaraang taon, silver-medal ang nakamit ng Team Pilipinas. --FRJ, GMA Integrated News