Arestado ang isang taxi driver na umano'y nangontrata at nagtangkang tangayin ang bagahe ng kaniyang pasahero sa Taguig City.

Ayon sa ulat ni Marisol Abduraman sa GTV “State of the Nation” nitong Huwebes, ikinuwento ng biktima na sumakay sila ng kaniyang asawa sa taxi ng suspek sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Nagtalo raw sila ng driver nang ipakita nito ang kanilang babayaran. Hindi raw ito gumamit ng metro kaya nagpumilit silang bumaba ng taxi.

Pero nang makababa na, umandar umano ang taxi tangay ang kanilang mga bagahe.

Hinarang naman ng ilang concerned citizen ang taxi at doon naaresto ang driver na itinanggi ang mga paratang laban sa kaniya.

Nasa kostudiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa patong-patong na reklamo.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News