Nagkakahalaga na ng mahigit P182 milyon ang jackpot prize sa Ultra Lotto 6/58 draw nitong Martes ng gabi, Mayo 30, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na walang tumama sa lumabas na mga numero na 46-49-31-54-19-47, at may kabuuang premyo na P182,881,860.80.

Sa Facebook page naman ng PCSO, nakasaad na tatlo lang na mananaya ang nanalo ng second prize na may premyong P120,000.00.

Huling tinamaan ang jackpot sa Ultra Lotto 6/58 noong Marso 7, 2023 na umabot ang premyo sa P109 milyon.

Muli itong tinamaan noong Marso 12, 2023, na mas mababa na ang jackpot prize sa P49 milyon.

Binobola ang Ultra Lotto 6/58 tuwing Linggo, Martes, at Biyernes.

Samantala, wala ring tumama sa kasabay nitong draw na Superlotto 6/49, na ang lumabas na mga numero ay 25-22-46-28-36-31, at may premyong P53,829,932.80.

Wala ring pinalad sa isa pang draw na Lotto 6/42, na ang lumabas naman na mga numero ay  39-15-08-07-19-27, at may premyong P32,169,509.20.--FRJ, GMA Integrated News