Sa kulungan ang bagsak ng magpinsang lalaki matapos nilang gahasain umano ang isang 15-anyos na menor de edad sa Pasong Tamo, Quezon City. Ang isa sa mga suspek, pinagbantaan pa umano ang biktima kaya hindi ito nakapagsumbong.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng pulisya na ang biktima ay kaklase ng kaanak ng mga suspek.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang panggagahasa ng isa sa mga suspek sa biktima noong Mayo 31, at nagbanta ang suspek kaya hindi nakapagsumbong ang dalagita.

Nitong Lunes, muling tumawag ang suspek sa biktima at pinilit itong makipagkita. Ayon sa pulisya, pinapasok ang biktima sa isang garahe, kung saan naroon ang isa pang suspek.

May pinainom ang mga suspek sa biktima kaya nahilo ito, at doon na nila ginawa ang panghahalay.

Hanggang sa naglakas-loob na ang biktima na magsumbong sa kaniyang ina kinabukasan.

Sinampahan na ang mga suspek ng mga reklamong statutory rape at child abuse. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News