Kasabay ng hiling na "huwag magbolahan," inusisa ni Basilan Representative Mujiv Hataman ang isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) kung kaya ba talagang ibaba sa P20 per kilo ang presyo ng bigas kapag nakamit ng bansa ang tinatarget na 95% rice sufficiency.

Ibinato ni Hataman, House Deputy Minority Leader, ang tanong kay DA Undersecretary Leocadio Sebastian, nang talakayan sa Kamara de Representantes ang panukalang P181 bilyong budget ng DA para sa 2024 nitong Martes.

Noong nakaraang Mayo, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tumatayo ring kalihim ng DA, na inaprubahan niya ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP), na layuning palakasin ang aning palay sa bansa.

Target ng pamahalaan na maging 97% rice sufficient ang bansa sa 2028, na pagtatapos ng kaniyang termino bilang pangulo.

Kaugnay sa naturang pahayag ni Marcos, tinanong ni Hataman si Sebastian kung magkakaroon ng katuparan ang pangako ng pangulo noong kampanya na maibaba sa P20 ang kilo ng bigas kapag nakamit ang target na hanggang 97%  rice self sufficiency kahit man lang sa 2028.

Tugon ng opisyal, “That is a market...[it] depends on the market on how it will play. If we are able to improve our value chain, reduce the cost of the post harvest cost, reduce the cost of production, [it will] not [be] P20, but at least we can maintain a low price that is affordable,?”

Ipinaliwanag din ni Sebastian na ang gastusin sa post-harvest production ang nagiging presyo ng bawat kilo ng palay na multiplied by 2. Pero ang nararapat lang umanong presyo nito ay 1.5.

“I think our objective should be affordability for our population,” dagdag pa ni Sebastian, na kinontra naman ni Hataman.

“Dapat kasama sa self-sufficiency program ang presyo. Hindi simpleng available yung bibilhin, dapat affordable, lalo na DA Secretary ang Pangulo ang campaign promise ito ng Pangulo,” giit ng kongresista.

Dito na inihayag ni Sebastian na, “Iyong P20 per kilo, medyo mahirap.”

Ayon kay Hataman, dapat isama ng DA sa kanilang plano ang mga hakbangin kung papaano maibaba sa P20/kilo ang bigas.

Ipinaliwanag naman ni Sebastian na bahagi ng kanilang programa ang pahayag ni Marcos na dapat makinabang din ang mga magsasaka sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura.

“We want to ensure good income for our farmers, that is our main objective,” ani Sebastian.

Ngunit dahil hindi umano masagot ni Sebastian nang diretso ang kaniyang mga tanong, hiniling ni Hataman sa opisyal na huwag nang paasahin ang mga tao tungkol sa P20 per kilo na bigas.

“It is obvious that it is not part of the plan, and my point here is, huwag tayo magbolahan rito,” ani Hataman.

Tinanong din ni Kabataan party-list Raoul Manuel si DA Undersecretary Mercedita Sombilla, kung kayang maibaba sa P20 ang per kilo ng bigas sa susunod na taon.

Pag-amin ni Sombilla, “Baka mahirap po.”

Sa ngayon, sinabi ng mga opisyal ng DA na dumalo sa pulong na naglalaro sa P40 hanggang P60 ang per kilo ng bigas.

Inihayag ni Sombilla sa naturang pagdinig, na manipis ang rice buffer stock sa buwan ng Setyembre, kaya kailangang mag-angkat ng bigas na inaasahang darating sa kalagitnaan ng susunod na buwan.

“Manipis po kasi ang ating [rice] buffer [stock], and we are in the lean months. Naghaharvest pa lang tayo,” ayon kay Sombilla.

“The peak harvest time is mid-October to November, so we are hoping to get imports this month, up to September 15, to stabilize local prices.” dagdag ng opisyal.-- FRJ, GMA Integrated News