Nasabat ang mahigit tatlong kilo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P18 milyon mula sa isang maleta sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang lining ng maleta kung saan isinilid ang cocaine umano.

Tinangka itong ipuslit ng isang dumating na Pinay mula sa Ethiopia pasado 9 p.m. nitong Huwebes, ayon sa NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group.

Kahina-hinala ang laman ng maleta nang dumaan ito sa scan. At nang alisin ang lining ng likod ng maleta, dito na tumambad ang mahigit tatlong kilo ng hinihinalang cocaine.

Nakiusap ang babaeng suspek na itago ang kaniyang pangalan. Sinabi niyang hindi niya alam na may droga ang kaniyang bagahe, at may nakilala lamang na kapwa Pilipina sa online na nag-alok sa kaniya ng free travel.

Inalok din ang suspek ng P100,000 kapalit ng pagdadala ng isang item mula Ethiopia papunta sa Pilipinas.

“Siguro nga nag-ano rin ako sa kikitain, kasi alam mo naman, nawalan din ako ng negosyo, nag-grab na rin,” sabi ng suspek.

Nagsisisi aniya ang suspek dahil nagtiwala siya.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News