Isang lalaking nang-hostage ng call center agent sa Pasay City nitong Sabado ang kinuyog ng mga tao at inaresto ng mga pulis.

Nangyari ang insidente mag-a-alas-sais ng gabi, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Nang-hostage ang suspek matapos hindi raw siya pinakinggan umano ng mga pulis nang humingi siya ng tulong.

Hinablot niya ang isang babaeng call center agent na nag-aabang lang ng masasakyan pauwing Cavite.

Dinala ng suspek ang biktima sa isang sulok, at pagkatapos ay nagbasag ng bote at itinutok ito sa leeg ng biktima.

May isang pulis na lumapit at kinausap ang suspek upang mag-negotiate.

Matapos ang mahigit 30 minuto ay nagkagulo na ang taumbayan. Kinuyog na pala ng mga tao ang suspek.

Sa himpilan ng pulis sa Pasay kung saan dinala ang suspek, sinabi nitong hindi niya alam kung paano siya napunta sa lungsod.

Ang pagkakaalam daw niya ay nasa Baguio lang siya, ngunit paggising niya ay nagtaka siya at nasa Pasay na siya.

Humingi raw siya ng tulong sa mga pulis para dalhin siya sa ospital dahil namumulikat na ang kanyang mga paa, ngunit hindi raw siya pinaniwalaan.

Ayon naman sa biktima, ramdam niya nang itinutok sa leeg niya ang basag na bote.

Nagmakaawa raw siya sa suspek na huwag siyang saktan dahil may pamilya siya.

Sabi naman daw ng suspek, may dugo nang lumalabas. Sinabihan din daw ng suspek ang biktima na alisin ang kamay nitong humaharang sa kamay niya.

Ayon kay Police Major Ryan Salazar, hepe ng Pasay City Police Substation 3, pinakalma muna nila ang suspek at kinausap.

Nang magkaroon ng pagkakataon ay hinawakan ng pulis ang braso ng suspek at nabawi nila ang biktima.

Galing daw ang suspek sa probinsiya at nagtungo sa Maynila upang maghanap ng trabaho.

Saad ni Salazar, humingi muna ng ambulansiya ang suspek, at iyon ang naging aksyon ng pulis dahil nakita nilang mukhang kailangan nga ng medical attention nito. Subalit pagtalikod nila ay nang-hostage na ang suspek.

Nasa mabuting kalagayan na ang biktima.

Ang suspek naman ay mahaharap sa mga reklamong illegal detention, frustrated murder at alarm and scandal. —KG, GMA Integrated News