Patay ang isang babae matapos siyang barilin sa batok ng salarin habang nasa gilid ng kalsada sa Cebu City. Ang biktima, nakausap ng imbestigador at nakapagbigay ng mahalagang impormasyon bago namatay.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen noong Miyerkules ng madaling araw sa Barangay Pahina.

Sa CCTV footage, makikita ang 47-anyos na biktima na si Marilou Abayan na naglakad at tumigil sa gilid ng kalsada.

Ilang saglit lang, isang lalaki ang dumating mula sa kaniyang likuran at malapitan siyang binaril sa batok.

Pagbagsak ng biktima, tumakas na ang salarin.

Naisugod pa sa ospital ang biktima at namatay pagkaraan ng ilang oras.

Pero bago bawian ng buhay, nakausap siya ng imbestigador at nakapagbigay pa ng mga impormasyon tungkol sa nangyari.

Personal na galit ang tinitingnang motibo sa krimen.

"Nakausap ko pa ang biktima at nakakuha pa tayo ng lead, sino ang kanyang huling kasama. may ibinigay siya sir pero hindi ko pwedeng divulge," ayon kay Police Chief Master Sergeant Diosdado Parejas, OIC, Station 6, CCPO.

Inihahanda ng ng kapulisanang kasong murder laban sa bumaril at sa kasama nito.-- FRJ, GMA Integrated News