Sa kulungan ang bagsak ng isang 19-anyos na lalaki na nahaharap sa reklamong panggagahasa sa 14-anyos niyang kasintahan sa Payatas, Quezon City. Ang suspek, itinanggi ang paratang laban sa kaniya.


Sa ulat ni James Agustin sa GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing hinuli ang suspek ng mga operatiba ng Quezon City Police District Station 13.

Ayon sa pulisya na ang ina ng biktima ang nagsampa ng kaso laban sa suspek noong Marso.


Ang suspek ay ikalawa sa most wanted person list ng QCPD Station 13.


Ngunit iginiit ng lalaki na hindi niya alam na may isinampang kaso laban sa kaniya, at hindi rin umano niya ginahasa ang menor de edad na kasintahan.


Nakapag-return of warrant na ang kapulisan sa korte at hinihintay na lamang ang commitment order ng suspek.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News