Tatlong lalaki ang sugatan sa Tondo sa Maynila matapos saksakin ng isang lalaking nag-amok matapos daw makaaway ang kaniyang asawa, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Lunes. 

Bugbog-sarado naman ang inabot ng suspek nang ma-corner ng mga residente.

Ayon sa mga taga-barangay, bago ang insidente ng pananaksak ay nagtalo muna ang suspek at ang kaniyang asawa dahil daw sa pera. 

Pagkatapos ay tumungo raw sa tindahan ang suspek para bumili ng alak at napagbalingan umano niya ang isang lalaking si Donald Raymundo. Pinagbantaan pa raw ng suspek ang mga kainuman ni Raymundo bago nagpunta sa katabing barangay. Doon na raw nagsimula ang gulo.

Isang bata ang nadamay sa gulo at tinamaan ng bote sa ulo.

Nang makatiyempo ay kinorner ng mga residente ang suspek at kinuyog.

Nagtamo ng bugbog at sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan ang suspek na kinilala lamang sa alyas na Jawo.

Naisugod naman sa ospital at nagpapagaling na ang tatlong lalaking nasaksak ng suspek.

Ayon sa pulisya, sinampahan na ng reklamong frustrated homicide ang suspek.

Samantala, nagsisisi naman ang suspek sa nagawa.  —KBK, GMA Integrated News