Patay na nang matagpuan ang isang sanggol na isinilid sa kahon ng sapatos at iniwan sa isang tulay sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, makakikita ang tatlong batang nakabisikleta na tila nagulat at nagtakbuhan sa bahagi ng Nepa sa Balut.

Pagkaraan ng ilang minuto, bumalik ang mga bata, at ang isa ay kumuha pa ng stick.

Ilang saglit pa, muli nagtakbuhan ang mga bata.

Sinusuri na pala nila ang walang buhay nang sanggol na nakasilid sa kahon ng sapatos.

Sinabi ng barangay na itinapon ang sanggol sa isang tulay sa bahagi ng Rodriguez Street, na napulot naman ng mga batang nagbibisikleta.

Agad itinawag ng barangay sa pulisya ang insidente.

Ayon pa sa barangay, isang lalaking nakabisikleta ang posibleng nag-iwan sa sanggol, na lumabas sa kanilang backtracking.

Kasama ito sa iniimbestigahan ng pulisya at kung sino ang mga magulang ng bata. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News