Hindi agad pinansin ng isang residente ang mga narinig niyang ingay sa kaniyang CCTV camera sa pag-aakalang mga kapitbahay na nag-aaway lamang ang mga ito sa West Yorkshire, England. Ngunit nang balikan niya ang footage, nahuli-cam pala ang isang insidente ng kidnapping.

Sa video footage, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang pulang van ng mga suspek na nakaparada sa gilid ng daan.

Nang dumating ang kanilang target, sinundan nila ito sa eskinita. Maya-maya pa, buhat na ng tatlong lalaki ang biktima at sapilitan nilang ipinasok sa van.

Sa mga naunang footage, mapapanood din ang isang lalaking mistulang nagmamadaling makalayo sa lugar.

Sinabi ng may-ari ng CCTV camera, kaagad siyang tumawag ng pulisya matapos niyang matuklasan ang nakunan sa camera.

Dumating ang mga awtoridad 30 minuto makalipas ang nangyaring pagdukot. Wala pa silang inilalabas na detalye tungkol sa biktima at sa motibo ng kidnapping.

Gayunman, lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nagtamo ng injuries ang biktima sa panga, pati na rin ang kaniyang rib at tagiliran. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News