Patay ang isang driver ng sasakyan habang sugatan ang isa niyang pasahero matapos silang tambangan sa Antipolo City.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood sa isang cellphone video na nakalap ng pulisya ang pagtigil ng isang sasakyan sa bahagi ng Barangay Mayamot.

Hindi makikita sa video, ngunit maririnig ang magkakasunod na putok.

Agad umanong umalis ang mga salarin matapos pagbabarilin ang driver ng kotse.

Mapapanood sa kuha ng CCTV ang sunod-sunod na pagdating ng sasakyan.

Makalipas lang ang ilang saglit, napahinto na rin ang iba pang kotse.

Sinilip ng isang motorcycle rider ang sakay ng sasakyan.

Hanggang sa sumigaw na ang mga pasahero ng sasakyan na isang batang babaeng nakasuot ng uniporme at isa pang babae

Sinabi ng pulisya na batay sa mga larawan sa crime scene, tinarget talaga ang lalaking biktima.

Dead on the spot ang biktima, na ayon sa pulisya, nagtamo ng limang tama ng bala sa kaniyang ulo at katawan.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na riding in tandem ang nasa likod ng pamamaril.

Kabilang sa imbestigasyon kung may kaugnayan ang rider na sumilip sa kotse sa mga tumakas na salarin.

Nagpapagaling na sa ospital ang babaeng nakaupo sa likuran ng kotse na nasapul din sa pamamaril.

Wala namang tinamong pinsala ang mag-aaral na nakaupo sa harapan.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News