Nagpakita ng impresibong panalo ang Filipino Olympian at boxer na si Eumir Marcial sa harap ng kaniyang mga kababayan matapos talunin ang kalabang Thai sa kanilang sagupaan sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila nitong Sabado.

Sa ika-apat na round, sumundot ng mga jab ang 28-anyos na si Marcial, bago pinakawalan ang pailalim na left straight na nagpabagsak kay Theodsak Sinam.

Bago nito, nagawang makipagsabayan ni Sinam sa mga unang yugto ng laban hanggang sa tamaan ng markadong suntok ni Marcial.

Matapos hindi makatayo nang bilangan ng referee, idinaklarang tapos ang laban sa 1:33 ng round 4.

Nananatiling malinis ang record ni Marcial na 5-0, may 3 knockouts. Habang bumaba naman si Sinam sa 23-14 na may 19 knockouts.

Nakatitiyak na ng slot sa 2024 Paris Olympics si Marcial. — mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated New