Hindi ikinaila ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang sama ng loob kay Vice President Sara Duterte dahil sa pag-akusa ng ama ng huli na gumagamit ng ilegal na droga si Pangulong President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa teaser video ng "TUNE in kay Tunying," sinabi ng Unang Ginang na nasaktan siya nang dumalo si VP Sara sa isang pagtitipon kung saan tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na "bangag" si Pres. Marcos.

“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba—sama sama tayong babangon muli,” sabi ni Liza Marcos sa host ng programa na si Anthony Taberna.

“Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that,” dagdag ng Unang Ginang.

Basahin: Mag-amang Rodrigo at Baste Duterte, bumanat kay Pres. Marcos

Basahin: Ex-Pres. Duterte, itinangging tinawag niyang drug addict si Pres. Marcos

Nangyari ang pagtitipon noong Enero sa Davao City na dinaluhan ni ex-Pres. Duterte, at sinabing nasa watchlist pa umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Punong Ehekutibo.

Pero kaagad na itinanggi ng PDEA ang naturang pahayag ng nakatatandang Duterte.

Sinabi naman ng Philippine National Police na wala silang alam na dokumento o listahan na nag-uugnay kay Pres. Marcos sa ilegal na droga.

Isang buwan matapos ang nasabing pagtitipon, itinanggi ni ex-Pres. Duterte na inakusahan niyang sangkot sa ilegal na droga ang kasalukuyang pangulo.

Nang tanungin si FL Liza kung may pagkakataon pang magkaayos sila ni VP Sara, sabi ng Unang Ginang, “Bad shot na ‘yan sa ’kin.”

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang pahayag ng pangalawang pangulo tungkol dito.—FRJ, GMA Integrated News