Naaagnas na nang matagpuan sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City. ang bangkay ng isang lalaki na nag-sick leave sa trabaho. Patay din ang kaniyang 72-anyos na tiyahin.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ilang araw nang hinahanap ng mga katrabaho ang 37-anyos na lalaki dahil Abril 25 pa nila ito huling nakausap dahil nag-sick leave.

Dahil hindi pa rin pumapasok, humingi na ng tulong ang mga katrabaho nito na puntahan siya sa kanilang bahay sa Barangay Greater Lagro.

Nang puntahan ng mga barangay tanod at safety officer ang bahay ng lalaki at kaniyang tiyahin, walang sumasagot sa kanilang katok kaya binuksan na nila ang gate.

Nang buksan ang bintana, nakita ang bangkay ng lalaki at umalingasaw ang masangsang na amoy.

Naaagnas na ang lalaki na nakahiga sa sofa sa sala. Ang kaniya namang tiyahin, nakadapa sa sahig sa kuwarto.

Ayon sa SOCO, naunang pumanaw ang lalaki dahil mas decomposed na ang katawan nito.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad at nanawagan sila sa mga kaanak ng magtiyahin na makipag-ugnayan sa kanila upang ma-awtopsiya ang mga bangkay at matukoy ang sanhi ng kanilang pagkamatay.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News