Arestado ang isang tricycle driver at nakatikim ng suntok mula sa kaniyang galit na galit na kumare dahil sa panggagahasa umano ng suspek ng ilang ulit sa kaniyang inaanak na 12-anyos lang.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing ginagahasa umano ng suspek ang biktima kapag wala itong kasama sa bahay at inaalok ng pagkain.

Hindi nagsumbong ang biktima sa kaniyang mga magulang pero nagkuwento ang dalagita sa kaniyang mga kaibigan.

Nang makita ng ina ng dalagita ang suspek nang maaresto, sinugod niya ito at pinagsusuntok dahil sa labis na galit.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na ilang beses ginahasa ng suspek ang biktima.

“Twice noong September, nagkaroon siya ng isang chance noong October. Dalawang chance noong December. Matibay ang ebidensya kasi una, minor ito..Base sa story ng bata, nagko-corroborate sa tunay na nangyari,” ayon kay Major Raul Salle, hepe ng EPD-DSOU.

“Ang kaso niya is RA 7610, child abuse. Five counts  at may piyansa na P200,000 each so P1 million ang piyansa,” sabi pa ni Salle.

Tumanggi naman ang suspek na magbigay ng pahayag.—FRJ, GMA Integrated News