Tila biglang naglaho ang driver matapos siyang tumilapon nang bumangga sa center island ang minamaneho niyang nakaw na luxury car na hinahabol ng pulisya sa Los Angeles, California.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing hinabol ng pulisya ang luxury car nang mapansin nilang natutulog umano ang driver habang nakatigil sa traffic light.

Minabuti ng mga awtoridad na suriin sa kanilang sistema ang rehistro ng sasakyan, hanggang sa matuklasan nilang nakaw pala ang luxury car.

Ngunit tumangging bumaba ng sasakyan ang driver at nakipagmatigasan sa pulisya.

Habang nagsasagutan, pinaharurot ng driver ang kotse.

Hindi rin nagtagal ang habulan nang sumalpok sa center island ng kalsada kalaunan ang luxury car.

Wasak ang sasakyan at nagkalat sa kalsada ang debris.

Agad hinanap ng pulisya ang driver, na tila biglang naglaho.

Sinuyod nila ang paligid dahil sa pag-aakalang tumakbo ang driver para tumakas.

Makalipas ang ilang minuto, nakita ng mga pulis ang driver na nakahandusay at wala nang buhay, at malayo-layo sa pinangyarihan ng crash.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtamo ang driver ng matinding injury matapos tumilapon nang bumangga ang luxury car.

Kinilala ang suspek na si Elliott Dugan, 51-anyos, na mayroon umanong standing felony warrants.

Hindi pa naglalabas ng detalye ang pulisya tungkol sa pag-carnap umano nito sa luxury car. — VBL, GMA Integrated News