Patay ang isang babae at dalawang pamangkin nito matapos sila hampasin ng dos por dos ng kanyang live-in partner sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City.

Sa ulat ni Maki Pulido sa “24 Oras Weekend” nitong Linggo, 5:55 a.m. ng May 16 nang ma-record sa CCTV ang sigawan mula sa likod ng pintuang ng isang bahay. 

Matapos ang tunog ng paghahamapas, tumigil ang sigawan at maririnig ang iyak ng isang bata sa CCTV footage.

Sa isang ambush interview, inamin ng suspek ang pagpatay sa kanyang live-in partner at dalawa nitong pamangkin na edad 19 at 11 years old.

Aniya, nang nag-aaway sila ng live-in partner, sinubukan daw mamagitan ng dalawang pamangkin. 

“Biglang sumugod sa kuwarto namin. Sinipa yung pintuan ng kwarto namin, naka lock ‘yun," saad ng suspek. "Nahawakan ko yung kahoy, nagdilim paningin ko kasi dumudugo ilong ko. Nahampas ko."

Nasaksihan din ng apat na taong gulang na anak ng biktima at suspek ang panghahampas sa kanyang ina.

“Yung unang attempt ko po pagpalo, pamangkin niya,” saad ng suspek. “Nailipat ko po anak ko sa kabilang kuwarto. Doon ko muna siya pinag-stay.”

Nasa pangangalaga na ng mga kaanak ang bata. "Hindi ho siya makausap nang maayos. Hindi ho nagsasalita," sabi ng isang kaanak.

Noong May 16 pa ang krimen, pero Sabado lang natagpuan ang mga labi ng mga biktima.

Ang sinasabi raw ng suspek sa ibang tao, nagpunta sa Divisoria, Maynila ang tatlong biktima. Pero napansin ng mga kaanak ng mga biktima ang kakaibang amoy na nanggagaling sa naka-lock na kuwarto at tinawagan nila ang mga pulis. Nang pwersahang buksan ang pinto, tumambad ang mga bangkay.

Na-inquest na ang suspek sa tatlong counts of murder. — Celine Serquiña/BM, GMA Integrated News