Naaresto ang isa sa dalawang suspek na nakita sa viral video na binuksan ang pinto ng isang kotseng naipit sa trapik sa Mel Lopez Blvd. (dating Road 10) sa Maynila, at tinangay ang isang bag mula sa loob. Pag-amin ng 18-anyos na suspek, apat sila nang gawin ang krimen.Sa ulat ni Jomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ang suspek at isa pang lalaki habang nagsusugal sa gilid ng boulevard.Ayon sa pulisya, mga "jumper boy" ang mga suspek na karaniwang mga truck ang tinatarget para nakawan ng mga bakal at iba pang mapapakibangang bagay.Noong nakaraang linggo, nahuli-cam at nag-viral ang pag-atake ng dalawang suspek sa isang kotse na nakatigil sa boulevard dahil sa trapik.Nakita nilang hindi naka-lock ang pinto ng kotse na kanilang binuksan at tinangay ang isang bag na nasa loob.Inamin ng suspek ang krimen at sinabing apat sila nang mangyari ang insidente. Hindi lang umano nakuhanan sa video ang dalawa pa nilang kasama.Itinapon din umano nila ang bag dahil puro makeup daw ang laman."Nadala lang po ng barkada at pagkalasing po," saad ng suspek. "Nanghihingi po ako ng pasensiya sa nakuhanan po. Sana po mapatawad niyo po ako."Humingi rin ng tawad ang ina ng suspek sa ginawa ng kaniyang anak na nakadetine sa police station.Reklamong illegal gambling ang isinampa sa suspek at sa kasama nitong nahuling nagsusugal.Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pulisya sa motoristang nakuhanan ng bag ng mga suspek para sa pagsasampa ng dagdag na kaso.Maglalagay din ng police outpost sa boulevard para sa seguridad ng mga motorista.--FRJ, GMA Integrated News