Walang impeachment trial na magaganap sa Senado bilang impeachment court hanggang June 2025 para litisin si Vice President Sara Duterte, mula sa ibinibintang laban sa kaniya ng Kamara de Representantes, ayon kay Senate President Francis "Chiz" Escudero.

Sa Kapihan sa Senado forum nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Escudero na kailangang isalang muna sa plenaryo ng Senado ang pagbuo sa kapulungan bilang impeachment court batay sa panuntunan ng Senado na, "the Senate President shall take proper order of the subject of impeachment."

"Ibig sabihin nu'n, isaayos muna ng Senate President ang Senado para sa pag-conduct ng pagdinig o trial," ani Escudero.

"Para mag-convene ang impeachment court, dapat may sesyon ang Senado. Para manumpa ang impeachment judges [mga senador], kailangan may sesyon ang Senado. Bagaman ang trial puwedeng mag-proceed kahit na recess, tulad ng nangyari kay dating at yumaong Chief Justice [Renato] Corona, dapat ito ay masimulan, ma-convene, at mapanumpa ang mga judges kapag may session," paliwanag pa niya.

Nitong Miyerkules ng hapon nang i-impeach ng 215 na kongresista mula sa Kamara si Duterte. Kasunod nito, ipinadala na sa Senado ang verified complaint o articles of impeachment laban sa pangalawang pangulo.

Gayunman, nagtapos ang sesyon ng Kongreso nitong Miyerkules ng gabi nang hindi natalakay ng Senado ang articles of impeachment. Nagsimula naman ngayong Huwebes ang break ng dalawang kapulungan para bigyan-daan ang kampanya para sa mga tatakbo sa May 2025 elections.

Magbabalik ang sesyon ng Kongreso sa June 2, at magkakaroon na ng mga bagong halal na mga kongresista at senador sa July 1.

Ayon kay Escudero, dahil hindi natalakay sa plenaryo nitong Miyerkules ang ipinadalang verified impeachment complaint, wala rin silang basehan na mga senador para buuin ang impeachment court ng Senado.

"Legally it cannot be done... The impeachment complaint was not referred to plenary for there to be a basis for the impeachment court to be convened by the Senate sitting as a legislative body, hindi muna as impeachment court," ani Escudero.

Kaya naman posible umanong matalakay na lang ng Senado ang reklamo ng Kamara laban kay Duterte sa pagbabalik nila sa June 2.

"Kung may mangyayari mang aksyon o kaganapan kaugnay nito, 'yan ay mangyayari sa June 2 pag-resume ng Senado, matapos ang eleksyon at pasya 'yan ng mayorya ng Senado kung aamyendahan ba yung rules, ano ang ilalagay sa rules," dagdag niya.

Habang hindi pa sila nabubuo bilang impeachment court, sinabi ni Escudero na maaari naman nilang pag-aralan na ngayon ang gagawin nilang proseso at susuriin ang rules of impeachment kung may mga kailangang baguhin.

“Hindi namin ito mamadaliin pero 'di rin naman namin ito labis na iaantala. Hindi kami magpapa-pressure kanino man na bilisan ito o idelay ito. Gagawin namin ang trabaho namin ayon sa Saligang batas bilang pagsunod sa tinatalaga nito at rules mismo ng Senado,” pahayag ni Escudero.

"Ang impeachment process para sa akin hindi mahalaga kung pabor kayo o kontra. Hindi mahalaga kung ma-acquit kayo o mako-convict. Ang mahalaga para sa akin bilang tagapangulo ng Senado maging maayos ito, sang- ayon sa batas, credible, kapanipaniwala at magagawad ng hustisya pabor man yun sa opinyon ng nakararami o hindi," dagdag niya.

Dahil inaasahan na mahahalal na ang 12 bagong senador sa June, makokompleto na rin ang 24 na senador na magiging impeachment judges. Kailangan ng 16 na boto para magpasya kung kakatigan o hindi ang impeachment complaint ng Kamara na nagnanais na patalsikin si Duterte bilang bise presidente ng bansa.

Nakatitiyak si Escudero na lalabas ang kanilang desisyon sa impeachment trial kay Duterte sa papasok na 20th Congress.

"Halos tiyak na 'yun na aabot ng 20th Congress at ang magpapasya na dito ay ang 20th congress at hindi ang [kasalukuyang] 19th Congress," saad niya.

Matapos magbalik ang sesyon sa June 2, tuluyan namang isasara ang 19th Congress o sine die adjournment sa June 13, 2025. Opisyal na magbubukas naman ang 20th Congress sa July na sasabayan ng State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Batay sa verified complaint na inaprubahan sa plenaryo ng Kamara, in-impeach si Duterte batay sa mga alegasyon ng "Culpable Violation of the Constitution, Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption, and Other High Crimes." -- mula sa ulat ni HANA BORDEY/FRJ, GMA Integrated News