Inilahad ni National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag nitong Biyernes na itinuturing na "person of interest" si Senator Robin Padilla sa pag-alis ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa gusali ng Senado.
Matatandaang Huwebes ng madaling araw nang palihim na lumabas si Dela Rosa sa gusali ng Senado sa gitna ng posibleng pag-aresto matapos maglabas ng warrant ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya kaugnay ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
“Automatic po 'yan pero sabi ko nga, kung meron pong unang-unang dapat tanungin, na-identify naman na si Senator Robin Padilla 'yung kasama,” tugon ni Matibag sa isang panayam sa Unang Balita nang tanungin kung tinutunton na ng NBI si Dela Rosa.
“Siya po 'yung pinaka-person of interest to shed light sa whereabouts po ni Senator Bato,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Matibag na sinusunod ng NBI ang mga direktiba mula sa Department of Justice (DOJ) tungkol sa isyu.
“In the proper time gagawin po natin 'yan. Malinaw naman po 'yung sinasabi namin lagi na we are following instructions from the higher-ups, sa DOJ po 'yung pinaka-main coordination dito so doon po tayo,” sabi ni Matibag.
Nang tanungin tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa, sinabi ni Matibag na dapat idirekta ang tanong kina Padilla, Senate President Alan Peter Cayetano, pati na rin kay Senate Sergeant-at-Arms at retiradong Police Major General Mao Aplasca.
“After noong commotion diyan sa Senate, 'yung putukan, ang kasunod, nawala na po siya. Kung maalala ninyo po, 'yan na nga 'yung binabanggit ko na sentimyento ng aming mga ahente na maaaring ang naging dahilan noong paputukan na 'yan ay para ma-divert at makaalis si Senator Bato,” sabi ni Matibag.
“At 'yan naman ay kinumpirma ng kaniyang maybahay na sabi si Senator Bato took advantage noong situation na nagkaputukan para makaalis po ng Senado,” dagdag pa niya.
Umalingawngaw ang mga putok ng baril sa Senado noong Miyerkoles ng gabi sa gitna ng lockdown sa mataas na kapulungan, kung saan nasa ilalim ng protective custody si Dela Rosa. Makalipas ang ilang oras, umalis na ang senador sa compound ng Senado.
Nakikipag-ugnayan ang GMA News Online sa mga kampo nina Padilla, Cayetano, at Aplasca para sa komento at ilalathala kapag nakuha na. — Jamil Santos/RSJ GMA News

