Tinutugis ang isang lalaki matapos siyang mahuli-cam na ninanakaw ang metro ng tubig ng isang bahay sa Barangay 15, Caloocan.
Sa ulat ni Gabriel Gonzalez sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV ang paghinto ng lalaki sa gate sa J. Rodríguez mag- 3 a.m. ng Martes.
Tiningnan niya ang mga metro ng tubig. Ilang saglit pa, binaklas na niya ang isa sa mga kontador, bago tumakas sakay ng bisikleta.
Sinabi ng barangay na agad nagsumbong sa kanila ang biktima matapos matuklasang wala na ang kontador nila.
Ilang beses na umanong ginawa ng suspek na si Alyas “Totong,” ang pagnanakaw sa mga kalapit na lugar.
“May nakausap kami sa ibang barangay, actually banned na rin daw doon. Kaya, ayun, hahanapin pa rin naman namin,” sabi ni Jacqueline Celestino, Executive Officer, Barangay 15, Caloocan.
Ninanakaw umano ng suspek ang mga metro ng tubig para pagkakitaan.
“Meron du’n silang kinukuha na maliit lang, tapos merong malaki rin na kinukuha nila ng buo. Tanso daw 'yun, binibenta nila,” sabi pa ni Celestino.
Patuloy ang paghanap ng barangay sa suspek, na posibleng dayo lang sa lugar at may dati nang kaso. —Jamil Santos/VBL GMA News
