Isang kababayan ang level-up sa kaniyang paggawa ng ensaymada, na bukod sa katutubo ang pamamaraan, nilagyan pa niya ito ng munggo.

Sa nakaraang episode ng I Juander, itinampok si AJ Dineros, na sinisiksikan ng munggo ang kaniyang ensaymada.

Ginagamitan niya ito ng lata na aluminum foil bilang pugon, na may apoy sa ibabaw at ilalim para hindi mahilaw ang tinapay.

Pamilya ng panadero sina AJ, kaya nang tumigil siya sa kolehiyo, ang tinapay ang kaniyang naging paraan ng pagkakakitaan.

“Pangarap ko sana maging isang guro. Gusto ko kasing magturo sa mga bata. Marami pong nag-message sa akin na nakatulong din ako sa kanila kasi natuto silang maggawa ng tinapay,” sabi ni AJ.

Ang nililikha niyang ensaymada, bukod sa mantikilya at asukal, pinalamanan niya ng munggo.

Ang pinalambot na munggo, tinimplahan ng gatas na pulbos at asukal.

Pagkahulma ng tinapay na ensaymada, saka ito lalagyan ng itlog na may evaporated milk, saka isasalang sa pugon.

Makalipas ang 20 minuto, luto na ang ensaymada, na lalagyan naman ng margarine sa ibabaw.

Batay sa kuwento ng Italyanong manlalakbay na si Antonio Pigafetta, “tinapai” ang naging tawag sa kakanin noong manatili siya sa Cebu. Pinaniwalaang mga Kastila ang nagpakilala ng paggawa ng tinapay sa mga sinaunang Pilipino.

“Ang nagdala ng wheat flour o ng tinapay na gawa sa trigo ay ang mga Espanyol na unang-una dahil sa pangangailangan na panreligyon, dahil nakilala ng mga unang Pilipino, una nating mga kababayan itong tinapay bilang Ostia. Kailangan kasi siya sa simbahan,” sabi ni Jeric Mayugba, Teaching Associate sa Department of History sa UP Diliman.

Ang Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City ang pinakamatandang panaderya sa lungsod, kung saan mabibili ang OG tinapay na “Pan de Suelo” kung tawagin.

Maituturing itong isa sa mga ninuno ng tinapay sa Pilipinas, na gawa sa harina o giniling na trigo, asin, yeast o pampaalsa at mantikilya. Pero sinamahan ito ng may-ari ng Kamuning Bakery Cafe na si Wilson Flores ng asukal at vanilla.—FRJ GMA News